Monday, November 8

Tago

kanina lang nakita kita... sandali lang iyon. paano ba naman kasi, nang makita mo ako bigla ka na lang tumalikod at kumaripas ng takbo... palayo sa akin. alam ko namang nakita mo ako dahil tinignan mo pa nga ako sa mata. pero bago ko pa man makilala na ikaw na pala ang nakatayo sa harap ko, nakaalis ka na- tila hindi makapaghintay na makawala sa aking paningin.

ano ba ang nagawa ko sa iyo para taguan mo ako ng ganito? hindi naman kita pinepeste sa pagpipilit na magkaroon na tayo ng totoong relasyon- sa totoo lang, hindi nga sumagi sa utak ko iyan hanggang ngayon. hindi naman ako nanghihingi ng panahon mula sa iyo, hindi naman ako buntis at lalo nang hindi naman ako kineketong para iwasan nang ganiyan! alam ko namang wala akong habol sa iyo kahit anong mangyari pero bakit ba natatakot ka na magkita tayo sa labas ng mga pagkikita natin ilang hapon sa isang buwan upang magkasama at magpainit ng iyong kama?

hindi naman kita hahalikan. hindi naman kita yayakapin. hindi ko ibubuko sa kaniya na nagkikita pa tayo. hindi ko pinapaalam sa mga kakilala natin na nag-uusap pa tayo... ano ba talaga ang kinakatakutan mo? o di kaya'y ginugulo ka na ng konsensya mo dahil sa kabalbalang ginagawa mo sa dalawang babaeng sa totoong buhay lang ay hindi nararapat sa iyo?

ewan ko nga ba kung bakit pa ako naririto at pilit ko pang iniintindi kung ano ba ang nasa loob ng isipan mo. hindi na naman ako parte ng regular na buhay mo at hindi ka na rin naman parte ng buhay ko. noong ikaw ay bahagi pa ng araw-araw kong pamumuhay wala ka namang nadala kung hindi puro luha at sakit. ngayong ganito na tayo... bukod sa mga yakap, haplos at halik na pinagsasaluhan natin sa tuwing tayo'y tumatakas mula sa realidad na kinagisnan natin, wala kang naibibigay sa akin. dahil nga hindi ka na importante sa aking tunay na kuwento. wala ka nang halaga.

kaya huwag mo akong ituring na isang sakit na kailangan mong iwasan o isang bangungot kung saan kailangan mong magising... dahil hindi naman ako totoo sa iyo... parte lang ako ng iyong imahinasyon... hindi ako nanggugulo sa buhay mo kundi isa lamang sa mga gawa-gawa ng iyong utak para panandaliang makalimot at makatikim ng sensual na kaligayahan... huwag mo akong pagtuunan ng di na kinakailangang pansin dahil mabubuhay ka ng tahimik kahit na pareho tayo ng mundong ginagalawan...

...kahit na mas mapapabuti ako kung makakaalis na sa mundo mo.

No comments: